LABLYP
1:38 AM |

Katatapos ng Church Service at
Nagkausap kami ng isang highschool bestfriend ko sa pamamagitan ng teknolohiya.
Pangalanan na lang natin siyang Carla.
Classmate ko na siya simula elementary.
Ngunit nung highschool na lang kami naging magkabarkada at naging matalik na magkaibigan.
Yun ay sa kadahilanang, akala nami'y ang aming personalidad ay lubos na kabaliktaran ng isa.

Para sa akin si Carla at ang 'kanyang' grupo ung maiingay sa class.
Sila ung medyo bully sapagkat ang kanilang mga mommy ang maeksena sa school.
Kumbaga Stage-mothers at sila naman ang Stage-kids.
Ultimo mga lalaki napapatahimik nila sa kanilang pagsigaw pa lamang ng pangalan nila.
Dagli-dagling lumalayo ang mga schoolmates ko noon kapag nariyan na sila.
Mga bullies kung tatawagin.

Nabanggit din sa akin ni Carla kung ano ang tingin nila sa akin at sa 'aking' grupo.
Sabi niya ay, nung elementary, kami daw yung tipong 'masyadong babae'
at laging nag-eenglish-english.
Kapag manamit ay pinagsisigawang marami kaming alam sa fashion nung araw
Ang aming grupo daw ay maarte at mahilig pag-usapan ang mga lalake.
Kinikilig sa mga munting bagay lamang at sadyang mahilig tumawa at ngumisi.
Ganoon daw ang aming grupo.
Sa kaalaman naming ito, hindi ito pumigil sa amin para maging kaibigan ang isa't-isa nung highschool.
Mga labing-lima kami mula sa elementary school na nasa I-Carnation nun, hindi naman sa napilitan kami kaya kami ang nagkasama ngunit sadyang tadhana nga lang siguro kaya kami ang naging magkabarkada at hanggang ngayon ay matalik na magkaibigan.

Lumipas ang panahon, at
marami ng nangyari sa bawat isa, maraming kaalaman na naidagdag sa isipan, maraming
pag-uusap na siyang pinagmulan ng maraming kaisipan, mga relasyon na nabuo at nawasak.
Lahat ng ito na hinubog sa aming katauhan.

Nagsimula ang pag-uusap ng aking mahal na kaibigan sa kamustahan.

"Ok lang. Ikaw?"
"Ok lang din."

Yan ang karaniwang heading ng aming conversation.

Hindi nagtagal nang siya ay nangamusta nanaman ng status ng aking "lablyp" (lovelife)
(haay, isang salitang ayaw na ayaw kong banggitin)
Ang walang-kamatayang sagot ko ang siyang ibinigkas

"Wala akong ganun." sabay tawa at naniniwalang mangungulit siya ngunit hindi ako pipilitin pagkalipas ng kunting pangungulit.

Ngunit sa pagkakataong ito, hindi ganoon ang nangyari. Bakas sa kanyang tono ng pananalita ang dismaya, hindi inis, ngunit kalungkutan na nagsasabing hindi ko na siya kinukwentuhan ng kahit ano ukol dito simula ng 4thyear.
Ewan ko nga ba, ako man sa sarili ko ay ayoko ng abalahin pa ang sarili para magkwento.
Hindi na ako tulad ng batang nakilala niya nung elementary. Sabi nga nya, ang mga babaeng puro lalaki na lamang ang pinagkwekwentuhan.
Ako ay kabaliktaran na ngayon. Siguro dahil sa... incidenteng iyon.

Binanggit ko na lahat ng mga taong alam kong sa kanyang judgment ay involve dun nga sa tinatawag niyang "lovelife"ko.
Nang tapos ko nang sabihin sa kanya, ang pakiramadam ko'y nagpasa ako ng mahigit-kumulang na kinseng resume.
May mga pangalan, importanteng impormasyon, mga iba ay may litrato ang iba ay wala.

Sa bawat pagtanggap niya ng isang resume, nagsabi siya ng mga comments na hindi ko lubusang hinayaan manatili sa aking pag-iisip, pinakinggan ko lamang at pagkatapos ay sadyang lumipad sa kawalan. Pagkatapos makita ang lahat, ngumisi siya at sinabing..

"Collect and collect then select ha?" patawa niyang sinabi
"Tama!" at ako ay tumawa rin.

Ngunit alam kong hindi totoo iyon at kailanman ay hindi gagawin.

Hanggang sa tumunton na kami sa isang tanong na walang sawa nilang ibinabato sa akin

"Bakit mo ba ayaw magka-Boyfriend? Magkaroon ng stable na relationship"
sinabi niya sa tonong para bang first time niya lang tinanong ngunit sa katotohona'y higit na sa bilang na aking maalala.

Iniba ko ang sagot sa pagkakataong ito, isang masmalinaw na sagot kumpara sa mga nakaraan.
Sa pinaka-inocenteng tono, sabi ko ay

"Dahil hindi ako pang-ganun."

natahimik siya at pagkaraan ng kunting panahon

napangisi siya at sinabing
"may ganun? so ano yung lahat ng mga yun, fling-fling lang? ano ka ba? Walang mawawala sayo pag susubukan mo lang. At paano mo malalaman kung sino nga ba ang para talaga sayo kung hindi mo susubukan?"

Gusto kong ipaliwanang na
MERON.
Merong nawawala sayo sa bawat
relasyon na pinapasukan mo at naglalaho.
Ngunit ayoko ng magpaliwanag pa,
sawang-sawa na ako.
Hindi ko na rin nahanap pa ang lakas
para ipaliwanag na may darating para sa iyo, hindi mo na kailangan pang pumasok
sa isang relasyon para malaman kung siya na nga ba ang para sa iyo o hindi.
Gusto ko ding sabihing hayaan na lang natin
ang tadhana ang magparating sa atin
ng taong iyon.
Huwag natin siyang tuksuhin para lamang madaliin niya ang
proseso.
Dahil tayo lamang ay nagsasayang ng oras, lakas at panahon.
Kung
HINDI pa, hindi pa.
Bata pa lamang tayo, marami pang mga bagay sa mundo na nais
magpakilala sa atin. At sa kadahilanang pilit nating hinahanap ang taong
iyon, nakakaligtaan natin ang mga magagandang bagay na siya sanang magtutungo
sa atin sa kanya.
Marami pa akong gustong sabihin, at alam kong kukulangin pa sa mahigit
bente-kwatrong oras pag ako ay lubusang nagpaliwanag.
Laging nag-uumapaw ang mga ideya sa
aking isipan pag kami ay humahantong sa ganitong usapan.
Ngunit ako ay pagod na.
Ang lakas ko upang sabihin ang mga ito ay ubos na.
Wala na.
Ako ay tumahimik na lamang.
at sa kabila ng lahat ng malakas na apoy sa aking dibdib.
ang nasabi lamang ng munti kong bibig ay

"...dahil ayoko pa carla,,, ayoko pa..."

Labels: